Sugatan ang isang 18-anyos na binata matapos umanong magkagulo sa isang bar sa Barangay San Fermin, Cauayan City, Isabela, nitong umaga ng Setyembre 9.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Cauayan City Police Station, dakong alas-7:16 ng umaga nang mag-inuman ang biktima, suspek at iba pang staff ng naturang bar.
Habang nasa kalagitnaan ng inuman, nagkaroon umano ng pagtatalo ang suspek at ang kaniyang kapatid na babae na manager ng naturang bar hanggang sa mauwi ito sa pananakit.
Agad namagitan ang ilang staff at ibang mga tao roon upang awatin ang suspek, subalit lalo umano itong naging agresibo.
Kumuha umano ito ng isang bote ng alak at binasag bago biglang inatake at sinaksak ang biktima na noon ay nasa labas ng bar at hindi umano batid ang nagaganap na kaguluhan.
Matapos ang insidente, tumakas umano ang suspek patungo sa palayan at nakaiwas sa pagdakip ng mga awtoridad.
Kaagad namang isinugod ang biktima sa isang ospital sa Cauayan City para sa agarang atensiyong medikal.
Samantala, nagsagawa agad ng hot pursuit operation ang mga tauhan ng Cauayan City Police Station upang mahanap at madakip ang suspek.
Patuloy din ang follow-up investigation ng mga awtoridad, kabilang ang pakikipanayam sa mga saksi at pagsisikap na makakuha ng CCTV footage na maaaring makatulong sa imbestigasyon.











