Tumaas ng 35.1% ang foreign direct investment o FDI inflows sa Pilipinas noong Hunyo, ngunit nanatiling mas mababa ang kabuuang inflows sa 1st half ng 2026 dahil sa pagbaba ng pagpapautang at reinvestment ng kita ng mga dayuhang kumpanya.
Batay sa preliminary data ng Bangko Sentral ng Pilipinas o BSP, umabot sa 447 milyong dolyar ang FDI inflows noong Hunyo, mula sa 331 milyong dolyar sa kaparehong buwan noong nakaraang taon.
Gayunman, mas mababa ito ng halos 30% kumpara sa 638 milyong dolyar na naitala noong Mayo.
Pinalakas ng mas mataas na intercompany borrowings at reinvested earnings ang June figures. Umakyat ng 24.2% sa 369 milyong dolyar ang net investments sa debt instruments, habang tumaas naman ng 43.1% sa 130 milyong dolyar ang reinvestment of earnings.
Bahagyang nabawasan naman ang net equity outflow sa 52 milyong dolyar mula sa 57 milyong dolyar noong nakaraang taon. Bumaba rin ang gross equity placements sa 112 milyong dolyar mula sa 130 milyon, habang lumiit ang withdrawals sa 164 milyong dolyar mula sa 187 milyon.











