Pormal nang inactivate ng Isabela Police Provincial Office ang Isabela PPO Tourist Police Unit o IPPO-TPU na binubuo ng 35 personnel na itatalaga sa mga pangunahing tourist destination sa buong lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Scarlette Topinio, Information Officer ng Isabela PPO, sinabi niyang layunin ng bagong unit na dagdagan ang police visibility, seguridad at assistance para sa mga turistang bibisita sa mga pasyalan sa Isabela.
Binubuo ang Tourist Police Unit ng apat na Police Commissioned Officers o PCOs at 31 Police Non-Commissioned Officers o PNCOs mula sa iba’t ibang yunit ng Isabela PPO.
Kabilang dito ang walong personnel mula sa Women Police Service o WPS, na binubuo ng tatlong PCOs at limang PNCOs, upang mas matugunan ang pangangailangan at kaligtasan ng mga turistang kababaihan.
Ayon kay Topinio, mayroon nang mga tourist police na nadeploy sa mga lugar na madalas puntahan ng mga turista, kabilang ang mga pasyalan sa Reina Mercedes at San Manuel.
Inaasahan aniyang dadami ang mga turista ngayong holiday season kaya makatutulong ang karagdagang police presence sa pagbibigay ng seguridad at assistance sa mga bumibisita sa mga pasyalan.
Maaari ring magdagdag ng police personnel sa mga partikular na lugar kung kinakailangan, habang maglalagay rin ng mga assistance desk bilang bahagi ng deployment.
Patuloy din umanong iniikutan at mino-monitor ng mga pulis ang iba pang tourist destinations sa lalawigan upang matiyak ang kaligtasan ng mga turista at mapanatili ang peace and order.
Bago italaga, sumailalim sa mga kaukulang training at seminar ang mga tourist police upang mapalawak ang kanilang kaalaman sa seguridad at pagtugon sa iba’t ibang sitwasyon sa mga tourist destination.
Kabilang sa kanilang mga karagdagang pagsasanay ang pagbibigay ng first aid sa mga turistang maaaring mangailangan ng agarang tulong habang namamasyal.











