--Ads--

Naaresto ang apat na lalaki matapos umanong nakawin ang isang SUV na pag-aari ng isang municipal councilor sa Amulung, Cagayan at kalauna’y maharang sa checkpoint sa Santa Fe, Nueva Vizcaya nitong Lunes, Setyembre 14.

Kinilala ng pulisya ang dalawang suspek sa mga alyas na “Roman” at “Sonny,” na umano’y sakay ng ninakaw na puting Toyota Fortuner. Naaresto rin ang kanilang umano’y mga kasamahan na sina “Joel” at “Jules,” matapos mahinto sa ibang sasakyan.

Ayon sa pulisya, nagmula sa Muntinlupa City at Parañaque ang mga suspek. Ini-report naman ng 38-anyos na konsehal na nawawala ang kaniyang SUV mula sa isang vehicle shop sa Amulung, dahilan upang maglabas agad ng flash alarm ang mga awtoridad.

Nang makita sa CCTV na patungong Nueva Vizcaya ang sasakyan, inalerto ang mga checkpoint sa ruta hanggang sa tuluyang maharang ito ng mga tauhan ng 2nd Regional Mobile Force Battalion at Santa Fe Municipal Police Station sa Border Control Checkpoint sa bahagi ng Balete Pass.

--Ads--

Narekober din sa SUV ang isang baril na may 13 bala na sinasabing pag-aari ng konsehal. Batay sa paunang imbestigasyon, ginamit umano ang sasakyan bilang collateral sa halagang P500,000, habang hawak ng konsehal ang original na susi.

Nasa kustodiya na ng pulisya ang apat na suspek habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente at inaalam ang kanilang mga papel sa umano’y pagnanakaw.