Rerepasuhin muna ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga probisyon ng panukalang batas na naglalayong ipagpaliban sa 2028 ang 2026 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE bago siya magdesisyon.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala pa siyang kumpirmasyon kung naipasa na sa Office of the President ang mga bersyon ng panukalang batas na inaprubahan ng Senado at Kamara.
Sinabi ni Castro na kailangang basahin at suriin muna ng Pangulo ang lahat ng probisyon bago magpasya kung aaprubahan o hindi ang panukala.
Inaprubahan ng Senado nitong Lunes ang panukalang pagpapaliban ng BSKE mula Nobyembre 2, 2026 patungong Nobyembre 2, 2028, habang inaprubahan naman ng Kamara ang counterpart measure nito noong Setyembre 8.
Sa ilalim ng panukala, mapapahaba mula apat hanggang limang taon ang termino ng mga barangay at Sangguniang Kabataan officials.
Gayunman, tinututulan ito ng ilang election watchdog groups.











