Iginiit ng Malacañang na tinutugunan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang administrasyon ang mga problemang iniwan ng nakaraang administrasyon, kabilang ang mga isyu sa korapsyon.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, tugon ito sa pahayag ni Vice President Sara Duterte spokesperson Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. na umano’y sinisisi ng administrasyong Marcos ang mga Duterte sa mga problema ng kasalukuyang pamahalaan.
Sinabi ni Castro na hindi umano ipinagwawalang-bahala ng Pangulo ang mga alegasyon ng korapsyon at kailangan ding balikan ang mga isyung hindi umano naimbestigahan noong nakaraang administrasyon.
Tinukoy niya ang mga umano’y ghost projects na nabanggit noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, gayundin ang mga isyung may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators o POGO at Pharmally scandal.
Binanggit din ni Castro ang mga pahayag ng yumaong dating Camarines Sur Representative Rolando Andaya Jr. tungkol sa mga kuwestiyonableng infrastructure projects na aniya’y napuna pa noong 2018.
Giit ni Castro, hindi maaaring ipikit ng kasalukuyang administrasyon ang mga mata sa mga isyu ng korapsyon at iba pang kontrobersiya na iniwan ng nakaraang administrasyon.
Samantala, patuloy namang ipinagtatanggol ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang mga Duterte laban sa mga alegasyong iniuugnay sa kanila ng kasalukuyang administrasyon.











