--Ads--

Itinuring ni Reina Mercedes, Isabela Vice Mayor Atty. Harold Respicio na may bahid ng sarcasm ang pagbati sa kanya ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla matapos siyang mag-negatibo sa isinagawang drug test.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Vice Mayor Respicio, sinabi niyang nauunawaan niya ang tungkulin ni Remulla na kumilos kaugnay ng mga usaping may kinalaman sa mga lokal na opisyal, lalo na kung may posibleng paglabag sa kanilang tungkulin.

Gayunman, sinabi ni Atty. Respicio na handa niyang harapin ang anumang magiging aksyon laban sa kanya, kabilang ang posibleng suspensyon kaugnay ng kontrobersiya.

Matatandaang hinamon ni Remulla si Respicio na sumailalim sa drug test matapos kumalat sa social media ang video ng mainitang pagtatalo nito sa ilang opisyal ng barangay.

--Ads--

Sumailalim naman ang bise alkalde sa pagsusuri sa isang ospital sa Maynila, kung saan nagnegatibo siya sa ilegal na droga.

Umabot sa ₱28,011 ang nagastos ni Atty. Respicio para sa drug test.

Sa kabila ng negatibong resulta, patuloy pa ring pinag-aaralan ng DILG ang posibleng susunod na hakbang kaugnay ng insidente sa viral video.