Tinatayang 150 indibidwal ang target na makinabang sa medical at optical mission na isinasagawa ngayong araw, Oktubre 9, sa Parish Pastoral Center sa Cauayan City bilang bahagi ng paghahanda sa ika-285 na Patronal Fiesta ng Our Lady of the Pillar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rev. Fr. Vener Ceperez, sinabi nitong layunin ng aktibidad na matulungan ang mga kapus-palad na mamamayan na walang sapat na kakayahang tustusan ang kanilang pangangailangang pangkalusugan.
Katuwang sa programa ang mga boluntaryong doktor at partner hospital na nagbibigay ng libreng konsultasyong medikal at pagsusuri sa mata. Magkakaloob din ng salamin, gamot at bitamina depende sa pangangailangan ng mga benepisyaryo at sa available na suplay.
Ipinaliwanag ni Father Ceperez na limitado sa 150 indibidwal ang target na mapagsilbihan dahil isang araw lamang isasagawa ang aktibidad.
Bahagi ito ng paghahanda sa patronal fiesta ng Our Lady of the Pillar na gaganapin sa Oktubre 12, 2026.











