--Ads--

Posibleng maantala o hindi maipatupad ang cloud seeding program ng NIA MARIIS kung magiging limitado ang pagbuo ng mga ulap dahil sa epekto ng Super El Niño.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Gileu Michael Dimoloy, Department Manager ng NIA MARIIS, sinabi nitong maaari pa ring maisagawa ang cloud seeding hanggang Enero o unang bahagi ng 2027 sakaling hindi ito matuloy sa Nobyembre o Disyembre, ngunit nakadepende ito sa pagkakaroon ng sapat at angkop na ulap.

Ayon kay Engr. Dimoloy, hindi lahat ng ulap ay maaaring gamitin para sa cloud seeding dahil kinakailangan munang matukoy kung mayroon itong potensyal na makapagpaulan.

Aniya, isa ito sa mga hamon ng cloud seeding dahil kung magiging matindi ang epekto ng Super El Niño at limitado ang pagbuo ng ulap, mahihirapan ang ahensya na maisagawa ang operasyon.

--Ads--

Sa kabila nito, sinabi ni Engr. Dimoloy na patuloy ang kanilang paghahanda batay sa mga forecast at kasalukuyang kondisyon ng tubig, upang matiyak na mapapanatili ang suplay para sa mga nakaplanong lugar ng irigasyon.