--Ads--

Nakatanggap ng tig-P5,000 cash assistance ang mga magsasakang apektado ng tagtuyot sa Lungsod ng Cauayan sa ilalim ng programang Family Assistance Card in Emergencies and Disasters (FACED).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Celso Dela Cruz, isa sa mga benepisyaryo ng programa, sinabi nitong malaking tulong ang natanggap na ayuda upang matustusan ang kanilang mga gastusin sa pagsasaka, kabilang ang pagbili ng diesel para sa mga makinarya at iba pang pangangailangan sa bukid.

Tatlong araw ang inilaan para sa pamamahagi ng tulong pinansyal, kung saan tinatayang 700 hanggang 800 benepisyaryo ang nabibigyan kada araw. Ngayong araw naman ang huling araw ng naturang distribusyon.

Ayon kay Dela Cruz, maaga nilang inihanda ang kanilang mga sakahan at itinanim ang mga binhing ipinamahagi sa kanila bilang paghahanda sa inaasahang epekto ng El Niño.

--Ads--

Malaking tulong din umano ang patubig mula sa National Irrigation Administration o NIA upang maaga silang makapag-ani, na target nilang maisagawa sa Marso bago pa lumala ang epekto ng El Niño.

Dagdag pa ni Dela Cruz, magagamit nila ang cash assistance sa pagbili ng mga kagamitang kailangan sa pagsasaka at pagtustos sa iba pang pangangailangan sa kanilang mga sakahan.

Sa gitna ng banta ng tagtuyot, patuloy na naghahanda ang mga magsasaka upang mabawasan ang posibleng epekto ng El Niño sa kanilang mga pananim at kabuhayan.