--Ads--

Patuloy ang paghahanda at monitoring ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office o PDRRMO ng Batanes sa posibleng epekto ng Bagyong Champi sakaling makapasok ito sa Philippine Area of Responsibility o PAR.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Roldan Esdicul, PDRRM Officer ng Batanes, sinabi nitong kabilang sa kanilang tinututukan ang mga lugar na posibleng makaranas ng pagbaha, gayundin ang mga kalsadang maaaring maapektuhan ng rockfall at landslide.

Sa ngayon, partly cloudy umano ang kondisyon ng panahon sa lalawigan, bagama’t may mga oras na sumisikat ang araw.

Inihanda na rin ang mga evacuation center at may mga naka-preposition nang family food packs bilang bahagi ng contingency measures ng pamahalaang panlalawigan.

--Ads--

Samantala, ilang residente na rin umano ang nakapagtali ng kanilang mga bahay, habang patuloy na hinihikayat ang iba pang residente partikular ang mga may light materials, na gawin din ito bilang paghahanda sa posibleng malakas na hangin.

Nakapagbigay na rin ang PDRRMO ng mga tali para sa bawat barangay, na maaaring gamitin ng mga residente sa pagtitiyak sa kanilang mga bahay.

Muling pinaalalahanan ng Batanes PDRRMO ang mga residente na manatiling alerto, maghanda at patuloy na subaybayan ang mga inilalabas na abiso ng PAGASA hinggil sa Bagyong Champi.