--Ads--

Kinumpirma ng San Guillermo Police Station na mula sa Nueva Ecija ang mga hinihinalang smuggled cigarettes na nasabat sa checkpoint sa Barangay Nakar, San Guillermo, Isabela.

Nasamsam ng mga awtoridad ang tinatayang ₱840,000 halaga ng mga sigarilyo mula sa isang puting Toyota pickup na pinara dakong alas-5:15 ng hapon nitong Lunes, Oktubre 19, dahil sa madidilim na tint ng mga bintana nito.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PMaj. Sherwin Concha, hepe ng San Guillermo Police Station, sinabi nitong ipinagkatiwala umano ng isang negosyante sa dalawang suspek ang mga sigarilyo upang ihatid sa Isabela.

Ayon sa mga suspek, sa pamamagitan lamang ng cellphone ang naging transaksyon nila sa taong tatanggap ng mga produkto. Sasalubungin umano sila nito pagdating sa San Guillermo, ngunit hindi na nila nakontak ang naturang indibidwal matapos silang mahuli sa checkpoint.

--Ads--

Kabilang sa mga nakumpiska ang 250 reams ng Nise Red na nagkakahalaga ng PHP 200,000; 680 reams ng Bon International na nagkakahalaga ng PHP 544,000; at 120 reams ng Cannon Menthol na nagkakahalaga ng PHP 96,000.

Sa kabuuan, 1,050 reams ng mga sigarilyo na may tinatayang halagang PHP 840,000 ang nasamsam ng mga operatiba.

Ang mga suspek ay isang 62-anyos na driver at residente ng Santiago City, Isabela, at isang 31-anyos na pasahero na residente naman ng Cabanatuan City, Nueva Ecija.

Ayon kay PMaj. Concha, maaari pa ring makasuhan ng smuggling of cigarettes ang mga suspek kahit naghatid lamang sila ng mga produkto dahil sa kawalan ng mga kinakailangang dokumento, kabilang ang BIR tax stamp.

Dinala ang mga nakumpiskang sigarilyo sa San Guillermo Police Station para sa dokumentasyon at nakatakdang i-refer sa BIR sa Tuguegarao City, Cagayan, upang beripikahin ang pagiging lehitimo ng mga produkto.

Tiniyak naman ni Concha na ipagpapatuloy ng kanilang himpilan ang pagtukoy sa pinagmulan ng mga sigarilyo at sa taong dapat sanang tatanggap ng mga ito.

Bago ang insidente, nagsagawa rin ng inspeksyon ang National Tobacco Administration (NTA) sa ilang tindahan sa San Guillermo, kung saan nadiskubre ang mga ibinebentang sigarilyong walang BIR tax stamp. Kabilang ito sa mga isyung tinututukan ng pulisya upang masugpo ang pagbebenta at pamamahagi ng mga hinihinalang smuggled cigarettes.

Nanawagan naman si Concha sa mga negosyante at publiko na huwag tangkilikin ang mga ilegal na produkto. Aniya, bagama’t maaaring mas mura ang mga ito kaysa sa mga rehistradong sigarilyo, mas makatitiyak ang mga mamimili na ang mga lehitimong produkto ay dumaan sa mga kinakailangang pagsusuri at regulasyon.