Hinimok ng mga opposition lawmaker sa House of Representatives ang Senate Finance Committee na alisin ang mga probisyong itinuturing nilang ilegal sa panukalang ₱7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027, kasunod ng desisyon ng Supreme Court na nagdeklara sa ilang bahagi ng mga nakaraang national budget bilang unconstitutional.
Kabilang sa mga kinuwestiyon nina House Deputy Minority Leader Antonio Tinio at Assistant Minority Leader Renee Co ang ₱50 bilyong pondo para sa Armed Forces of the Philippines modernization at ₱42 bilyong financial assistance para sa mga local government unit, na kapwa lump-sum appropriations.
Ayon kay Co, dapat bawiin ng liderato ng Kamara ang pag-apruba sa House Bill 10858. Kung hindi ito gagawin, maaari umanong alisin ang mga kuwestiyonableng probisyon sa Senado o sa bicameral conference committee.
Samantala, sinabi ni Senate Finance Committee Chairperson JV Ejercito na maaaring maantala ang pagpasa sa 2027 budget kung babawiin ng Kamara ang pag-apruba nito sa ikatlo at huling pagbasa. Iminungkahi niyang resolbahin na lamang ang mga hindi pagkakasundo sa bicameral conference committee.











