Naglaan ang United States Department of Agriculture (USDA) ng $34.1 milyon para sa proyektong magpapaunlad sa industriya ng ube sa Pilipinas, na inaasahang makikinabang ang nasa 12,500 magsasaka sa loob ng limang taon.
Ito ay batay sa anunsyo ni US Ambassador to the Philippines Lee Lipton sa pahayag na inilathala ng US Embassy sa Pilipinas sa social media.
Isasagawa ang proyekto ng TechnoServe sa ilalim ng Food for Progress Program ng USDA.
Ayon kay Lipton, nagmula ang pondo sa pagbebenta ng halos 40,000 metric tons ng soybean meal mula sa Estados Unidos.
Binigyang-diin din ng ambassador na mahalagang sangkap ang ube sa paggawa ng mga makabagong produkto ng pagkain at inumin sa iba’t ibang panig ng mundo, kabilang ang Amerika.
Inaasahang mapalalakas ng proyekto ang value chain ng ube sa bansa, mula sa produksyon hanggang sa pagproseso at paglikha ng mga high value crops.











