--Ads--

Pinayagan ng Sandiganbayan nitong Lunes, Oktubre 26, ang dalawang opisyal ng Department of Health (DOH) na tumestigo sa kasong graft laban kina dating Health Secretary Francisco Duque III at dating Budget Undersecretary Lloyd Christopher Lao kaugnay ng umano’y iligal na paglilipat ng ₱41 bilyong pondo ng DOH sa Procurement Service ng Department of Budget and Management o PS-DBM noong pandemya ng COVID-19.

Pinayagan ng First Division ng anti-graft court na humarap bilang mga saksi sina Dawnavi Lacsado at Abegail Conchada, mga administrative officer ng procurement unit ng DOH, sa kabila ng mosyon ng depensa na pigilan ang kanilang pagtestigo.

Sa kanilang pagharap sa korte, kinumpirma ng dalawa na kabilang sila sa COVID-19 Vaccination Plan o COVAC Secretariat. Gayunman, sinabi nilang wala silang personal na kaalaman sa mga desisyong pangpatakaran, kabilang kung ang sariling procurement unit ng DOH o ang PS-DBM ang dapat gamitin sa pagbili ng mga kinakailangang suplay.

Tinutulan naman ng depensa ang pagtestigo ng dalawa dahil umano sa pag-uulit lamang ito sa testimonya ng ibang mga saksi at posibleng paglabag sa karapatan ng mga akusado sa mabilis na paglilitis. Iginiit naman ng prosekusyon na walang sapat na batayang legal at factual ang mosyon upang madiskuwalipika ang mga opisyal.

--Ads--

Binigyan din ng korte ng karagdagang panahon ang prosekusyon upang ipaliwanag ang layunin ng pagpapatawag sa 54 na saksi na nakalista sa kaso. Nakatakda ang susunod na pagdinig sa Nobyembre 9, habang ang iba pang pagdinig ay itinakda sa Nobyembre 23 at Enero 28, 2027.

Sa kasalukuyan, nakalaya sa piyansa sina Duque at Lao habang nagpapatuloy ang paglilitis sa kasong graft.