--Ads--

Nakahanda na ang Bureau of Fire Protection (BFP) Cauayan City sa paglalatag ng mahigit 30 personnel sa mga sementeryo sa lungsod bilang bahagi ng kanilang paghahanda para sa Undas 2026.

Layunin nitong matiyak ang kaligtasan ng publiko at makapagbigay ng agarang responde sa mga posibleng emergency sa inaasahang pagdagsa ng mga mamamayang dadalaw sa puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay SFO3 Jonel Corrales, acting deputy fire marshal ng BFP Cauayan City, sinabi nitong nakaplano na ang kanilang deployment at duty assignments bago pa man ang activation ng kanilang Undas plan.

Ayon kay Corrales, may kabuuang 38 personnel ang BFP Cauayan City na nakahandang gumanap sa kani-kanilang tungkulin sa panahon ng paggunita ng Undas.

--Ads--

Nakatakdang ipatupad ang Code Blue status sa Oktubre 28 hanggang 29, habang Code Red naman mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 3 upang higit na mapataas ang kahandaan ng ahensya.

Sa ilalim ng kanilang deployment plan, magtatalaga ang BFP ng tig-sampung personnel sa mga sementeryong sakop ng kanilang itinalagang mga lugar ng pagbabantay upang magbigay ng assistance at tumugon sa mga insidenteng maaaring mangyari.

Samantala, ibinahagi rin ni Corrales ang iba pang paghahandang isinagawa ng kanilang tanggapan para matiyak ang kaligtasan ng publiko sa panahon ng Undas.

Maghahanda rin ang BFP Cauayan ng isang ambulansya at dalawang fire truck na maaring gamitin sa emergency sa panahon ng Undas.