--Ads--

Nagpahayag ng pangamba ang ilang grupo sa sektor ng transportasyon sa muling pagkakatalaga kay Secretary Vince Dizon bilang kalihim ng Department of Transportation (DOTr).

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PISTON National Chairperson Mody Floranda na hindi na bago sa kanila ang pamumuno ni Dizon sa ahensya dahil dati na rin itong nagsilbing kalihim ng DOTr bago inilipat sa Department of Public Works and Highways (DPWH).

Gayunman, hinala ni Floranda na maaaring may kaugnayan ang pagbabalik ni Dizon sa pakikipagtulungan ng DOTr sa World Bank para suportahan ang mga pangunahing proyektong pangtransportasyon sa bansa, kabilang ang Public Transport Modernization Program (PTMP).

Matatandaang inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Dizon na tugunan ang mga suliranin ng mga commuter at ayusin ang operasyon ng Land Transportation Office (LTO).

--Ads--

Subalit iginiit ni Floranda na hindi pa rin nareresolba ang problema sa umano’y korapsyon sa LTO kahit dati nang namuno si Dizon sa DOTr.

Dahil dito, naniniwala siyang maaaring may kaugnayan sa pagsusulong ng transport modernization program ng pamahalaan ang muling pagbabago sa pamunuan ng ahensya.

Nilinaw naman ni Floranda na hindi mahalaga sa kanila kung sino ang mamumuno sa DOTr, basta’t ginagampanan nito nang maayos ang tungkulin, pinakikinggan ang mga hinaing ng sektor ng transportasyon at kumikilos upang matugunan ang mga ito.

Kasabay nito, nanawagan siyang tuluyan nang ibasura ang Public Utility Vehicle (PUV) Modernization Program na aniya ay nagpapahirap sa mga driver at operator.