--Ads--

Muling magpapakitang-gilas sa international pageant stage ang beauty queen na si Michelle Dee matapos kumpirmahin ang kaniyang pagsali sa nalalapit na Miss Grand International o MGI All Stars 2026.

Nakatanggap naman si Dee ng masigabong suporta mula sa kapwa beauty queens at kaniyang mga tagahanga matapos ang anunsyo.

Ayon kay Dee, marami pa siyang maipapakita sa international pageant scene at labis siyang nagpapasalamat sa patuloy na suporta ng publiko. Matatandaang kinatawan niya ang Pilipinas sa Miss Universe 2023, kung saan nakapasok siya sa Top 10, matapos ding makamit ang Top 12 placement sa Miss World 2019.

Kinumpirma rin ng MGI sa kanilang opisyal na Instagram account ang pagsali ni Dee, na siyang ikalawang dating Miss Universe Philippines titleholder na sasabak sa MGI All Stars, kasunod ni Gazini Ganados na nakapasok sa Top 5 sa nakaraang edisyon.

--Ads--

Makakasama rin ni Dee ang kapwa Filipina representatives na sina Alexie Brooks at Anne Patricia Lorenzo, na kapwa nagwagi ng mga titulo sa Reina Filipinas at nakakuha ng puwesto sa Grand All Stars competition.

Nakatakdang idaos ang final competition ng MGI All Stars 2026 sa Disyembre 12, kung saan umaasa si Dee na maipakita pa ang kaniyang kakayahan at muling maipagmalaki ang Pilipinas sa international pageant stage.