Nagsagawa ng pagpupulong ang mga kinatawan ng Iran at mga tagapamagitan mula sa Qatar upang talakayin ang mga posibleng hakbang tungo sa pagtatapos ng digmaan sa Gulf region, sa gitna ng pangamba sa panibagong pag-atake ng Estados Unidos matapos ang midterm elections nito.
Ayon sa isang source na may kaalaman sa negosasyon, nag-usap ang mga opisyal sa Doha, Qatar nitong Sabado, kasunod ng mahigit 12 oras na talakayan ng mga kinatawan ng Iran at Qatar sa Tehran noong Biyernes. Patuloy rin umanong nakikipag-ugnayan ang mga tagapamagitan sa Washington kaugnay ng usapin.
Sinabi naman ni US Secretary of State Marco Rubio na wala pang pinal na desisyon si US President Donald Trump kung muling maglulunsad ng airstrikes laban sa Iran, bagama’t mas nais umano ng pangulo na maresolba ang sigalot sa pamamagitan ng diplomasya.
Samantala, inatasan ni Iran Supreme Leader Ayatollah Mojtaba Khamenei ang kanilang sandatahang lakas na manatiling handa at agad na tumugon sa anumang banta o pag-atake. Nagbabala rin ang Iran na maaari nitong puntiryahin ang mga pasilidad ng Estados Unidos at Israel sa mga karatig-bansa sakaling muling sumiklab ang labanan.
Nauna nang naghain ang Qatar ng panukalang pitong araw na hakbang upang mapalakas ang tiwala sa pagitan ng Washington at Tehran bago ang mas malawak na usapang pangkapayapaan. Gayunman, hindi ito katanggap-tanggap sa panig ng Iran.
Patuloy namang pinag-aaralan ng Iran ang liham na ipinadala ni US Vice President JD Vance sa isang mataas na opisyal ng seguridad nito, habang nananatiling magkakaiba ang paninindigan ng dalawang bansa sa mga kondisyon para muling buksan ang Strait of Hormuz at ipagpatuloy ang negosasyon.











