Pinaigting ng Land Transportation Office (LTO) Santiago Extension Office ang kanilang kampanya kontra Drunk Driving sa pamamagitan ng paggamit ng alcohol breath analyzer upang matukoy ang mga motorista na nagmamaneho sa ilalim ng impluwensya ng alak.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dennis Buendia, officer-in-charge ng LTO Santiago Extension Office, sinabai nito na inihahanda na ang mga kagamitan para sa nalalapit na kick-off ng operasyon.
Aniya, mahalagang matiyak na dumaan sa kinakailangang calibration ang mga breath analyzer upang maging accurate ang resulta.
Ito ay sisimulan sa Nobyembre 15, 2026 kung saan mas mahigpit ang mga ipapataw na kaparusahan sa mga lalabag. Kabilang dito ang pagbawi ng kanilang drivers license alinsunod sa umiiral sa batas.
Inatasan din ng LTO ang mga awtorisadong law enforcement officers na mahigpit na sundin ang tamang proseso ng pagsusuri bago arestuhin ang mga hinihinalang drunk driver.
Sa ilalim ng Republic Act 10586 o Anti-Drunk and Drugged Driving Act of 2013, kailangang may probable cause bago isailalim sa ang isang motorista sa Field Sobriety Tests (FST) na kinabibilangan ng eye test, Walk-and-Turn Test, at One-Leg Stand Test.
Kapag bumagsak ang driver sa alinman sa mga nabanggit na test, ay isasailalim sila sa breath analyzer upang sukatain ang kanilang blood alcohol concentration.











