--Ads--

Nakapagtala ang Department of Agriculture (DA) ng halos 20 porsiyentong pagtaas sa presyo ng ilang gulay sa mga pamilihan kasabay ng papalapit na Kapaskuhan.

Ayon kay DA Assistant Secretary Genevieve Velicaria-Guevarra, kabilang sa mga gulay na nagmahal ang talong, kamatis at kalamansi, gayundin ang mga high-value crops gaya ng carrots at repolyo.

Ipinaliwanag ng opisyal na karaniwang nagkakaroon ng pagbabago sa presyo ng mga produktong agrikultural depende sa kondisyon ng panahon at dami ng suplay.

Batay sa datos ng DA na inilabas sa government eAgri portal noong Nobyembre 8, pumalo sa ₱128.42 kada kilo ang average retail price ng kamatis sa Metro Manila. Nasa ₱123.54 kada kilo naman ang talong at ₱166.19 kada kilo ang carrots.

--Ads--

Gayunman, nilinaw ni Velicaria-Guevarra na nananatiling matatag ang presyo ng karamihan sa mga produktong agrikultural sa kabila ng pagtaas sa ilang uri ng gulay.

Tiniyak ng DA na paiigtingin nito ang monitoring sa mga pampublikong pamilihan at bagsakan upang mabantayan ang presyo ng mga produkto.

Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga magsasaka at producer upang matukoy ang mga suliraning nakaaapekto sa produksyon at suplay ng agricultural products.