--Ads--

Pumanaw na sa edad na 66 si Alexander Darchiev, ang ambassador ng Russia sa Estados Unidos, ayon sa Russian Foreign Ministry.

Sa inilabas na pahayag ng kagawaran, biglaang pumanaw si Darchiev nitong Miyerkules, Nobyembre 11, subalit hindi na nagbigay ng karagdagang detalye hinggil sa kaniyang pagkamatay.

Inilarawan naman siya ng Russian Foreign Ministry bilang isang mahusay na diplomat, beteranong lider at mabuting kasamahan na nagsilbi sa isa sa pinakamahalagang larangan ng foreign policy ng Russia.

Itinalaga si Darchiev bilang ambassador sa Estados Unidos noong Marso 2025, kasunod ng pagbabalik sa kapangyarihan ni US President Donald Trump.

--Ads--

Matagal na rin siyang nagsilbi sa diplomatic service ng Russia. Nagsimula siya noong 1992 bilang first secretary at pinuno ng North America Department ng Russian Foreign Ministry.

Naging adviser din siya sa Russian Embassy sa Estados Unidos noong 1997 at minister-counsellor mula 2005 hanggang 2010.

Nagsilbi rin siya bilang ambassador ng Russia sa Canada mula 2014 hanggang 2021 bago muling humawak ng matataas na posisyon sa North America Department ng kanilang foreign ministry.