--Ads--

Nakatakdang magsagawa ng sunod-sunod na plenary budget hearings ang Senado simula sa susunod na linggo upang matiyak ang napapanahong pagpasa sa bersyon nito ng panukalang ₱7.2-trillion national budget para sa 2027 bago ang Disyembre 17.

Ayon kay Senate President Sherwin Gatchalian, sisimulan ang plenary budget debates sa Nobyembre 23 upang magkaroon ng sapat na panahon sa pagsusuri at pagtalakay sa panukalang General Appropriations Bill (GAB).

Layunin umano nitong maiwasan ang pagkaantala noong nakaraang taon, kung kailan Disyembre 29 lamang naratipikahan ang 2026 national budget.

Dahil sa nakatakdang holiday sa Nobyembre 30 para sa Bonifacio Day, sinabi ni Gatchalian na kinakailangang magtrabaho ang mga senador sa Disyembre 2, na pagdiriwang naman ng Pasay Day, upang maisakatuparan ang lima hanggang walong araw na plenary budget debates.

--Ads--

Ayon pa sa Senate President, nasa tamang iskedyul ang Senado at posibleng maaprubahan ang panukalang budget bago ang kanilang adjournment kung walang magiging malaking isyu o pagkaantala.

Samantala, iginiit ni Gatchalian na aalisin ng Senado ang 295 public works projects na nagkakahalaga ng ₱8.836 bilyon mula sa panukalang budget, kasunod ng mga kuwestiyonableng proyekto na kinuwestiyon ng ilang civil society groups, kabilang ang mga farm-to-market roads na may maling coordinates.

Tiniyak naman ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na susuriin nila nang paisa-isa ang mga proyekto upang matiyak na may kumpletong dokumento, program of works, certificate of implementability at tamang geotagging coordinates.

Kabilang din sa mga isinusulong ni Ejercito ang pagtaas ng subsidiya ng pamahalaan sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at pagbawas sa pondo ng Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) upang maiwasan ang paggamit nito sa political patronage.

Samantala, sisikapin din ng Senado na maibalik ang pondong binawas sa mga foreign-assisted projects, kabilang ang North-South Commuter Railway, Metro Manila Subway Project, Bataan-Cavite Interlink Bridge at Laguna Lakeshore Road Network Project.