--Ads--

Walang planong iharap ng defense team sa Senate impeachment court sina Vice President Sara Duterte at mister nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio bilang mga testigo.

Batay sa inilabas na subpoena ng impeachment court, apat na testigo lamang ang ihaharap ng depensa sa Nobyembre 19 at 20. Kabilang dito sina Atty. Rainer Dela Fuente ng AML Consulting Philippines, Dr. Ceferino Rodolfo ng Department of Trade and Industry (DTI), Pilar Marilyn Pagayunan ng Food and Drug Administration (FDA), at Rowena Mendoza ng Center for International Trade Expositions and Missions (CITEM).

Mayroon pang 10 testigo na nakalinyang iharap ng kampo ng Bise Presidente. Samantala, inalis na sa listahan ang 15 opisyal ng bangko na inaasahang magpapaliwanag sana tungkol sa mga financial transaction at bank records ng mag-asawang Duterte-Carpio.

Si Dela Fuente ang nakatakdang magbigay-linaw sa mga tinatawag na “red flag” transactions sa ilalim ng Anti-Money Laundering Act.

--Ads--

Matatandaang inihayag ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) na umabot umano sa P4.4 bilyon ang kabuuang transaksyon sa mga bank account ng mag-asawang Duterte at Carpio mula pa noong 2007.

Samantala, sina Rodolfo, Pagayunan at Mendoza ay may kaugnayan sa Cale88 Food Corporation, kumpanyang iniuugnay kay Carpio. Naging kontrobersyal ang kompanya matapos maiulat na nakatanggap ito ng P319 milyong remittances mula sa mga kumpanyang nakabase sa Hong Kong at China.

Nakatakdang magpatuloy ang impeachment trial laban kay Duterte sa Nobyembre 19 at 20, matapos ang ASEAN Summit.