--Ads--

Nagbabala ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) sa publiko laban sa pagpapalipad ng saranggola malapit sa mga linya ng kuryente dahil maaari itong magdulot ng aksidente, pagkakakuryente at pagkaantala sa suplay ng kuryente.

Ayon sa NGCP, bukod sa panganib na makuryente o mamatay ang sinumang makalapit sa mga transmission tower at power lines, maaari ring makasabit ang saranggola sa mga linya at makaapekto sa maayos na daloy ng kuryente.

Posible rin umanong magdulot ito ng power interruption na maaaring makaapekto sa mga konsyumer at negosyo.

Binigyang-diin ng grid operator na ipinagbabawal sa ilalim ng Anti-Obstruction of Power Lines Act ang mga gawaing nakahahadlang o naglalagay sa panganib sa mga linya at transmission corridors.

--Ads--

Dahil dito, hinikayat ng NGCP ang publiko na panatilihin ang ligtas na distansya mula sa mga pasilidad ng kuryente upang maiwasan ang aksidente at posibleng pagkaantala sa serbisyo.