Isinusulong ni Senator Francis “Kiko” Pangilinan ang direktang pagbili ng gobyerno sa mga produktong agrikultural upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at makatulong na mapababa ang presyo ng pagkain sa mga pamilihan.
Tinalakay ito ni Pangilinan sa deliberasyon ng panukalang 2027 budget ng Department of Agriculture (DA), kasunod ng tanong ni Senator Erwin Tulfo tungkol sa mababang presyo ng ani na natatanggap ng mga magsasaka kumpara sa presyo nito sa merkado.
Ayon kay Pangilinan, kabilang sa mga programang nag-uugnay sa mga magsasaka at mamimili ang food hubs at Kadiwa.
Isinusulong din niya ang ganap na pagpapatupad ng Sagip Saka Act na nagpapahintulot sa mga ahensya ng gobyerno at lokal na pamahalaan na direktang bumili ng produktong agrikultural mula sa mga accredited farmers’ cooperatives and associations.
Bilang halimbawa, binanggit niya ang pagbili ng Quezon City government ng kabuuang ₱120 milyon na halaga ng bigas mula sa dalawang kooperatiba para sa Rice for All program nito.
Kabilang dito ang ₱52 milyon na bigas mula sa Piddig Basi Multipurpose Cooperative at ₱68 milyon mula sa Sta. Peregrina Multipurpose Cooperative.
Samantala, kinilala rin umano ng Department of Budget and Management ang Department of Social Welfare and Development bilang pinakamalaking government buyer ng mga produktong agrikultural sa ilalim ng Sagip Saka Act, na umabot sa ₱2.3 bilyon ang halaga ng mga binili.
Nais ding palawakin ng Senate committee ang direktang pagbili sa pamamagitan ng mas mahigpit na koordinasyon ng DA at DSWD sa ilalim ng Enhanced Partnership Against Hunger and Poverty o EPAHP.
Kasabay nito, itinaas ng komite mula ₱1.25 bilyon sa ₱2.3 bilyon ang panukalang pondo para sa pagtatayo ng cold storage facilities.
Paliwanag ni Pangilinan, makatutulong ang maayos na imbakan upang hindi agad masira ang mga ani at magkaroon ng mas mahabang panahon ang mga magsasaka para maibenta ang kanilang produkto sa halip na mapilitang tumanggap ng mababang presyo.
Nagbibigay rin ang DA ng rice processing facilities at mechanical dryers sa mga kooperatiba upang mapabuti ang kalidad ng kanilang ani at makakuha ng mas magandang presyo sa merkado.
Sa pamamagitan ng mga hakbang na ito, layuning mabawasan ang mga tagapamagitan, mapataas ang kita ng mga magsasaka at magkaroon ng mas makatarungang presyo ng pagkain para sa mga mamimili.











