--Ads--

Naghain ng petisyon ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Tanggapan ng House Speaker upang itaas sa ₱5,000 kada buwan ang Personnel Economic Relief Allowance (PERA) ng mga kawani ng gobyerno mula sa kasalukuyang ₱2,000.


Ayon kay ACT Teachers Party-list Rep. Antonio Tinio, maaari umanong pagkunan ng pondo para sa dagdag na PERA ang confidential at intelligence funds gayundin ang ilang pondo sa Local Government Support Fund.

Sinabi ni Tinio na mahigit ₱11 bilyon ang nakalaan para sa PERA sa panukalang 2027 national budget, ngunit katumbas lamang ito ng ₱500 dagdag sa kasalukuyang allowance.

Iginiit niya na hindi sapat ang naturang halaga lalo’t halos 17 taon nang hindi nadaragdagan ang PERA ng mga empleyado ng gobyerno.

--Ads--

Binigyang-diin din niya na kayang maglaan ng mas malaking pondo ang pamahalaan, tulad ng ginawang pagtaas ng subsistence allowance para sa military at uniformed personnel noong 2026.

Samantala, sinabi ni ACT Chairperson Ruby Bernardo na umabot na sa humigit-kumulang 320,000 lagda ang kanilang nakalap bilang suporta sa panawagang itaas ang buwanang PERA ng mga kawani ng gobyerno.