--Ads--

Inaabangan ngayong Lunes, Abril 13, ang magiging pahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. kung babawasan o pansamantalang isususpinde ang excise tax sa mga produktong petrolyo.

Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, masusing pinag-aaralan ng Palasyo ang lahat ng opsiyon bago magdesisyon, kabilang ang epekto nito sa ekonomiya at mga proyekto ng pamahalaan.

Nauna nang ipinaliwanag ng Malakanyang na mahalaga ang buwis bilang pinagkukunan ng pondo ng mga programa ng gobyerno, kaya kinakailangang balansehin ang desisyon sa gitna ng mataas na presyo ng langis.

Sa ilalim ng Republic Act No. 12316, may kapangyarihan ang Pangulo na pansamantalang bawasan o suspendihin ang excise tax sa produktong petrolyo kapag lumampas sa itinakdang presyo ang krudo sa pandaigdigang merkado.

--Ads--

Maaaring ipatupad ang full o partial suspension, ngunit may limitasyon na tatlong buwan ang bawat implementasyon at maaari lamang palawigin kung kinakailangan.

Awtomatikong ibinabalik ang dating antas ng buwis kapag bumaba ang presyo ng langis o matapos ang itinakdang panahon, habang inaatasan din ang gobyerno na mag-ulat sa Kongreso tungkol sa epekto nito sa inflation, presyo ng langis, at kita ng estado.