--Ads--

CAUAYAN CITY – Nasamsaman ng mahigit isang milyong pisong halaga ng marijuana ang isang AWOL o absent without leave na pulis sa Brgy. Samonte, Quezon, Isabela.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PMaj. Joseph Curugan, hepe ng Quezon Police Station na ang accomplishment ng kanilang himpilan ay bunga ng pakikipagtulungan ng mga mamamayan.

Aniya, habang nagpapatrolya ang ilang kasapi ng Quezon Police Station ay may lumapit sa kanila na concerned citizen dahil may nakita umano siyang kahina-hinala ang kilos na indibidwal.

Sa pagtugon ng mga pulis ay nakita sila ng pinaghihinalaan at tumakbo kaya hinabol nila ito.

--Ads--

Nang mahuli ay inalam ng mga pulis ang kanyang pagkakakilanlan at nagbigay naman ito ng PNP ID subalit ito ay peke kaya hinanapan pa siya ng ibang ID.

Binuksan ng suspek ang kanyang bag at may nakita ang mga pulis na bloke ng marijuana kaya nagsagawa pa sila ng karagdagang inspeksyon at nakita ang mga bricks ng marijuana sa kanyang bag.

Kabuuang sampong piraso ng bricks ng marijuana ang nakuha sa kanyang bag na may timbang na 9.4 kilograms at tinatayang nasa P1,128,000 ang halaga.

Ayon kay PMaj. Curugan, naghihintay ng masasakyan ang pinaghihinalaan nang kanilang mahuli dahil nagko-commute lang umano ito sa pagkuha ng kontrabando sa lalawigan ng Kalinga.

Pang-apat na ito na kanyang pagtungo sa naturang lalawigan para kumuha ng marijuana at ibinabyahe sa Metro Manila.

Modus na umano niya ang pagcommute para kumuha ng kontrabando sa Kalinga at minsan ay may minamaneho rin siyang sasakyan.

Sinabi ni PMaj. Curugan na dating miyembro ng Manila Police District ang suspek at na-AWOL noong 2020.

Simula noon ay nasangkot na ito sa iligal na gawain.

Newly identified naman ito sa kanilang nasasakupan.

Sa ngayon ay nasa pangangalaga na ng kanilang himpilan ang pinaghihinalaan para sa dokumentasyon.

Ayon kay PMaj. Curugan, madadaanan ang Quezon, Isabela sa pagtungo sa Kalinga at karaniwan dito dumadaan ang mga nagtutungo sa naturang lalawigan para kumuha ng mga kontrabando kaya alerto lagi ang mga kasapi ng Quezon Police Station.

Panawagan nila sa mga mamamayan na ipagpatuloy na suportahan ang programa ng pulisya kontra sa iligal na droga para tuluyan na itong masugpo at mapanatili ang kaayusan at kapayapaan.