--Ads--

Magpapatupad ng bagong traffic rerouting scheme at mas pinaigting na no-parking policy ang Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City bilang paghahanda sa nalalapit na pagbubukas ng klase.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ret. Col. Pilarito Mallillin, Chief ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City, sinabi nito na layunin ng hakbang na mabawasan ang matinding traffic congestion lalo na sa mga pangunahing lansangan at paligid ng mga paaralan sa lungsod.

Ayon kay POSD Chief Mallillin, bahagi rin ito ng clearing operations upang matanggal ang mga obstruction sa mga kalsada bago magsimula ang pasukan.

Pinaalalahanan nito ang mga motorista na iwasang mag-park sa mga lugar na nakasasagabal sa daloy ng trapiko dahil mahigpit na itong babantayan ng mga otoridad.

--Ads--

Sinabi pa niya na bagama’t nagbibigay sila ng lima hanggang sampung minutong consideration sa mga pansamantalang humihinto para mamili, mas makabubuting huwag iwanan ng mga driver ang kanilang sasakyan upang maiwasan ang abala at posibleng paglabag.

Kabilang sa mga lansangang isasailalim sa one-way traffic scheme ang Roxas Street kung saan one-way papasok mula national highway patungong Poblacion.

Ang Cortes Street naman ay magiging one-way palabas patungong highway habang ang Burgos Street ay itatalaga ring one-way route mula Maharlika Highway patungo sa bahagi ng Water District area.

Ipatutupad din ang one-way traffic scheme sa ilang bahagi ng District 1 partikular sa paligid ng Cauayan South Central School at simbahan upang mapagaan ang daloy ng sasakyan tuwing rush hour.

Ayon pa sa opisyal, experimental pa lamang sa ngayon ang nasabing traffic rerouting scheme ngunit posibleng gawin itong permanente kapag napatunayang epektibo sa pagpapaluwag ng trapiko sa lungsod.

Dagdag pa niya, kasalukuyan na ring naghahanda ang kanilang tanggapan ng mga signages at information drive upang hindi malito ang mga motorista sa ipatutupad na bagong sistema ng trapiko.

Nanawagan naman ang opisyal sa publiko na makiisa at sumunod sa mga bagong ipatutupad na regulasyon dahil para rin umano ito sa kaligtasan at kaayusan ng lahat ng gumagamit ng lansangan sa Cauayan City.