Mahigpit na binabantayan ng Cauayan City Police Station ang mga indibidwal na may kinahaharap na airtight case bilang bahagi ng pinaigting nitong kampanya laban sa kriminalidad.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PLt. Col. Jerry Castillo, Officer-in-charge ng Cauayan City Police Station, sinabi niyang patuloy ang kanilang monitoring sa mga personalidad na nahaharap sa mga kasong may matitibay na ebidensya, kabilang ang murder, theft, at iba pang kaso, upang matiyak na hindi makaiiwas sa pananagutan ang mga lumalabag sa batas.
Ayon sa opisyal, mahalaga ang masusing pangangalap ng ebidensya at maayos na imbestigasyon upang maging matibay ang mga kasong isinasampa laban sa mga suspek.
Sinabi rin niya na sa tuwing may naaarestong wanted person o high-value individual, masusi nilang sinusuri ang background ng mga ito. Sa pamamagitan nito ay natutukoy ang iba pa nilang mga naunang kaso at posibleng pagkakasangkot sa iba pang krimen.
Matatandaang nadagdagan ang mga kasong isinampa laban sa dalawang suspek sa laslas bag modus at sa isang tricycle driver na nahulihan ng mahigit isang kilo ng droga, matapos lumabas sa kanilang monitoring na sangkot din ang mga ito sa iba pang magkakaibang krimen.
Dahil dito, sinabi ni Castillo na lalo nilang pinaigting ang pagbabantay sa mga indibidwal na may kinahaharap na mga kaso upang maiwasan ang posibilidad na muli silang makapanggulo o makagawa ng panibagong krimen sa lungsod.
Kasabay nito, nagpapatuloy rin ang police visibility, intelligence monitoring, at pakikipag-ugnayan ng pulisya sa mga barangay upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lungsod.








