--Ads--

CAUAYAN CITY – Patay ang isang magsasaka habang nasugatan ang kanyang misis matapos silang pagbabarilin kagabi sa kanilang bahay sa Del Pilar, San Mariano, Isabela.

Ang napatay dahil sa mga tinamong tama ng bala sa katawan ay si Sammy Pohayon, 37 anyos, magsasaka habang nagtamo ng mga sugat ang misis na si Phyliz Pohayon, 25 anyos, residente sila sa nasabing lugar.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Barangay Kagawad Jun Nammog, sinabi niya na dakong 8:30 kagabi nang marinig nila ang sunud-sunod na putok ng baril.

Kamag-anak niya si Sammy Pohayon na isa sa mga barangay tanod sa kanilang barangay.

--Ads--

Ayon kay Kagawad Nammog, sa mga nagdaang araw ay may mga armadong grupo na nagtungo sa kanilang barangay at sinabing mga miyembro sila ng NPA at may hinahanap silang kasamahan nila.

Inaamin nilang may mga nagtutungong NPA sa kanilang lugar subalit mababait naman umano sila sa kanila.

Isang linggo na aniya na may mga grupo ng armadong lalaki sa paligid ng Sitio Sinamnama at hindi nila mabatid kung sila ay NPA o mga sundalo.

Sinabi umano ng mga nakakakita sa mga armadong lalaki ay hindi sila mga NPA dahil alam nila kung paano magdala ang mga ito.

Aniya, sinabi ng nanay ni Sammy na ilang beses na nagtungo sa kanilang bahay ang mga armadong lalaki at tinatanong kay Sammy kung nasaan ang grupo ni kumander Cabang na isang NPA dahil gusto umano nilang sumama sa grupo nito.

Ang pahayag ni Barangay Kagawad Jun Nammog

Samantala, pinabulaanan ng 95th Infantry Battalion Philippine Army na tagatiktik ng militar ang napatay na si Pohayon.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lt. Col. Gladiuz Calilan, commanding officer ng 95th Infantry Battalion Philippine Army, sinabi niya na hindi totoong tagatiktik ng militar si Sammy Pohayon at hindi rin nila kilala ito.

Aniya, maaring pinatay ang biktima dahil wala na silang makuhang suporta mula sa kanya.

Pinasinungalin din niya na kagagawan ito ng militar dahil walang sundalo sa nasabing barangay.

Idinagdag pa niya, nagpanggap lamang ang mga suspek para siraan ang militar.

Nanawagan siya sa publiko na huwag magpadala sa takot at labanan ang ginagawang pananakot ng mga NPA.

Ang pahayag ni Lt. Col Gladius Calilan

Sa pahayag naman ni Vic Balligi, tagapagsalita ng Reynaldo Pinion Command ng NPA, mariin nilang kinokondena sa pagbaril sa mag-asawang Pohayon.

Ito umano ay desperadong hakbang at pagyurak sa karapatang pantao ng mga sibilyan.

Nilapastangan umano ng 95th IB ang matiwasay na pamumuhay ng mga tao sa Sitio Sinamnama, Del Pilar, San Mariano, Isabela.

Hindi umano mapagtatakpan ng kasinungalingan ang pagpatay kay Pohayon.

Nais ng RPC-NPA na mabigyan ng hustiisya ang pamamaril sa mag-asawang Pohayon.