Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) Roxas kaugnay ng naganap na sunog sa kanilang nasasakupan.
Matatandaang nasunog ang isang dalawang palapag na bahay sa Brgy. San Antonio, Roxas, Isabela nitong umaga ng Biyernes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO1 Irene Fernandez, imbestigador ng BFP Roxas, sinabi niya na umabot ng mahigit 40 minuto bago tuluyang naapula ang apoy. Dahil sa mabilis na pagkalat ng apoy, halos wala nang naisalbang kagamitan sa loob ng bahay at tuluyan itong natupok.
Ayon sa kanya, patuloy nilang kinakausap ang may-ari ng bahay at mga nakasaksi sa insidente upang matukoy ang pinagmulan at posibleng sanhi ng sunog. Isinasagawa rin ng mga imbestigador ang masusing ocular inspection sa lugar at pagsusuri sa mga posibleng ebidensya na makakatulong sa paglilinaw ng insidente.
Isa sa mga pangunahing anggulong tinitingnan ng BFP ay ang posibleng electrical malfunction, matapos umanong makapagsabi ang isang kapamilya na nasa lugar nang mangyari ang sunog na nakarinig siya ng tila “putok” bago nagsimula ang apoy.
Sa ngayon, hinihintay pa ng mga awtoridad ang kumpletong resulta ng imbestigasyon upang makumpirma ang eksaktong pinagmulan ng sunog at maiwasan ang kahalintulad na insidente sa hinaharap.
muling pinapaalalahanan ng BFP ang publiko na maging maingat sa paggamit ng kuryente at mga kagamitang de-kuryente.
Iwasan ang overloading ng saksakan, agad ipatanggal sa serbisyo ang mga sirang wiring o appliances, at tiyaking laging naka-off ang mga appliances kapag hindi ginagamit.
Hinihikayat din ang lahat na magkaroon ng fire extinguisher o kahit paunang kagamitan laban sa sunog sa loob ng bahay upang agad makaresponde sakaling magkaroon ng emergency.
Muli namang pinapaalalahanan ng BFP ang publiko na maging maingat sa paggamit ng kuryente at mga kagamitang de-kuryente. Iwasan ang overloading ng saksakan, agad ipatanggal o ipaayos ang mga sirang wiring o appliances, at tiyaking laging naka-off ang mga appliances kapag hindi ginagamit.
Hinihikayat din ang lahat na magkaroon ng fire extinguisher o kahit anong kagamitan laban sa sunog sa loob ng bahay upang agad makaresponde sakaling magkaroon ng emergency.











