Nagpatupad ngayon ng big-time oil price hike ang mga kumpanya ng langis bunsod ng lumalalang tensiyon sa Gitnang Silangan.
Sa inilabas na datos ng Department of Energy (DOE), ang mga retailers ay magpapatupad ng P7.00 – P13.00 sa kada litro ng gasolina, habang P17.50 – P24.25 sa diesel. Pinakamalaki ang pagtaas sa presyo ng kerosene na nasa P32.00 – P38.50.
Ayon sa DOE, staggered ang gagawing implementasyon ng mga kumpanya ng langis sa adjustments.
Nabatid na nakadepende ang presyo ng gasolina sa pandaigdigang merkado, lalo na sa Dubai crude, kaya apektado ang supply at demand sa buong mundo sa gitna ng sigalot sa Middle East.
Kaugnay nito, inilunsad ng DOE at Department of Information and Communications Technology (DICT) ang eGovPH Complaint Center upang mas mapalakas ang monitoring at masiguro ang patas na serbisyo at sapat na suplay ng petrolyo para sa bawat Pilipino.
Pinaalalahanan din ng DOE at DICT ang publiko na kung may mapansin silang mga kahina-hinalang aktibidad sa mga gasolinahan ay kaagad itong idokumento at i-report sa naturang complaint center.
Kabilang sa mga ipinamo-monitor ng DOE at DICT ay ang pagpa-panic buying, fuel hoarding, non-compliance o hindi pagtalima sa fuel pricing, hindi awtorisadong pagtataas ng presyo ng mga produktong petrolyo, pagtangging magbenta ng langis at fuel shortage o mababa hanggang sa walang available na produktong petrolyo.











