
CAUAYAN CITY – Isinasagawa ang malalimang imbestigasyon sa pagkakasawi ng isang Ginang matapos na pagsasaksakin ng hindi pa nakikilalang pinaghihinalaan sa Brgy. San Antonino, Burgos, Isabela.
Batay sa report ng Burgos Police Station, ang biktima na si Sheryl Bulauan, apatnapu’t limang taong gulang, may-asawa at residente rin ng naturang Barangay ay nagbabantay sa isang Grocery store nang siya ay pagsasaksakin.
Ayon sa pulisya bagamat mayroon na silang sinusundang gabay sa kanilang ginagawang pagsisiyasat at pinag-aaralan na ang nakuha nilang kopya ng CCTV footage mula sa pinagbabaan ng biktima patungo sa tindahan ay nagpapatuloy pa rin ang kanilang pagsisiyasat upang matukoy ang pagkakakilanlan ng suspek at motibo sa krimen.
Una rito, ganap ala una y media noong ikapito ng Hulyo nang dumating ang biktima sa tindahan mula sa Cauayan City at mag-aalas dos naman ng hapon nang makita ang nakahandusay at duguan niyang katawan ng isang customer na bibili sana sa tindahan.
Agad na itinawag ng customer sa mga nakaduty na kasapi ng Public Order and Safety Office o POSO at pulis ang nakitang sinapit ng biktima.
Nadala pa ng mga tumugon na rescue team sa pagamutan ang biktima subalit idineklarang dead on arrival.
Aabot sa anim hanggang walo ang natamong saksak sa katawan ng biktima gamit ang hinihinalang isang mahabang kutsilyo.
Samantala, ayon naman sa Burgos Police Station walang naitalang pagnanakaw sa binabantayang tindahan ng biktima dahil wala namanng nawawalang pera maging sa mga paninda sa tindahan.










