--Ads--

Iginiit ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa pagdinig ng International Criminal Court (ICC) na kulang umano sa matibay na ebidensiya ang mga alegasyong nag-uugnay sa kanyang mga talumpati sa mga pagpatay na iniuugnay sa kanyang kampanya kontra droga.

Sa ikatlong araw ng confirmation of charges hearing noong Pebrero 26, sinabi ng kanyang abogado na si Nicholas Kaufman na hindi napatunayan ng prosekusyon na may direktang utos ang dating pangulo para pumatay.

Ayon pa sa depensa, wala sa 49 insidenteng inilahad ng prosekusyon ang may saksing makapagpapatunay na nakatanggap sila ng tahasang utos mula kay Duterte na pumatay. Aniya, ang kawalan ng malinaw na “causal nexus” o direktang ugnayan sa pagitan ng mga pahayag ng dating pangulo at ng mga sinasabing krimen ay nagpapahina sa mga paratang laban dito.

Sa panig naman ng prosekusyon, iginiit nila sa unang bahagi ng pagdinig na may mahalagang papel si Duterte sa umano’y kampanya ng extrajudicial killings na nagresulta sa libo-libong pagkamatay. Sinabi nilang personal umanong bumuo ang dating pangulo ng mga “death list,” nag-udyok ng karahasan laban sa mga hinihinalang sangkot sa droga, at ipinagmalaki pa ang ilang operasyon.

--Ads--

Nagprisinta rin ang prosekusyon ng mga video kung saan maririnig si Duterte na nagbabanta laban sa mga pinaghihinalaang gumagamit o nagtutulak ng ilegal na droga.

Gayunman, iginiit ng depensa na piling bahagi lamang o “cherry-picked” ang mga talumpating ginamit laban sa kanya. Ayon kay Kaufman, may mga pagkakataon ding binigyang-diin ni Duterte ang pagsunod sa batas, kabilang ang pahayag nitong: “Do not kill if you are not in danger of losing your life.”

Para sa kampo ng dating pangulo, walang direktang ebidensiyang magpapatunay na nag-utos siya ng pagpatay, kaya hindi umano dapat umabot sa ganap na paglilitis ang kaso.