--Ads--

Nakatakdang humarap sa Senado ngayong linggo si Commission on Audit (COA) State Auditor Xylene del Campo upang magbigay ng testimonya kaugnay ng Notice of Disallowance na inilabas laban sa P375 milyong confidential funds ng Office of the Vice President (OVP) na ginastos noong 2023.

Ayon kay House prosecution panel spokesperson Benjamin Tolosa Jr., inaasahang magbibigay-linaw si Del Campo sa mga audit findings ng COA-Intelligence and Confidential Funds Audit Office (ICFAO) kaugnay ng paggamit at liquidation ng confidential funds ng OVP.

Sinabi ni Tolosa na ipapaliwanag ni Del Campo ang mga Audit Observation Memorandum (AOM), Notice of Suspension, at Notice of Disallowance na inilabas ng COA matapos suriin ang mga pondong ginamit ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.

Nauna nang tumestigo si dating COA auditor Atty. Roderick Wamil na walang naipakitang resibo o dokumentaryong ebidensya ang OVP para sa P125 milyong confidential funds nito noong 2022.

--Ads--

Inihayag din ni Wamil na kulang ang dokumentasyon para sa hindi bababa sa P129 milyon mula sa P250 milyong confidential funds na inilabas sa unang dalawang quarter ng 2023.

Matatandaang ibinunyag ni COA-ICFAO head Gloria Camora na pinagtibay ng COA ang Notice of Disallowance sa P73 milyong confidential funds ng OVP noong 2022 at naglabas din ito ng hiwalay na Notice of Disallowance para sa P375 milyong confidential funds noong 2023.

Sa naturang notice, pinanagot ang mga opisyal na sangkot sa pag-apruba at paggamit ng pondo, kabilang si Vice President Duterte, dahil umano sa kakulangan ng mga dokumentong sumusuporta sa paggasta at mga naitalang accomplishment.

Nakatakda ring tumestigo ngayong linggo sina dating OVP Special Disbursing Officer Gina Acosta at dating DepEd Special Disbursing Officer Eduard Fajarda, na kapwa tumanggap umano ng malalaking cash withdrawals mula sa confidential funds ng OVP at Department of Education.

Babala ni Tolosa, maaari silang maharap sa show-cause order o contempt proceedings kung hindi sila susunod sa subpoena ng impeachment court.

Ang testimonya nina Wamil at Del Campo ay bahagi ng pagtalakay sa Article 1 ng impeachment complaint laban kay Duterte, na may kaugnayan sa umano’y sistematikong maling paggamit at iregular na liquidation ng mahigit P612.5 milyong confidential funds ng OVP at DepEd.