--Ads--

CAUAYAN CITY – Ipinaliwanag ng Commission on Elections o COMELEC Cauayan City ang mga maaaring ipataw sa mga hindi maihahabol ang kanilang Statement of Contributions and Expenditures o SOCE.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Atty. Christopher Thiam, election officer ng Cauayan City na ang SOCE ay obligasyon ng lahat ng mga naghain ng kanilang Certificate of Candidacy o COC para sa October 30 Barangay and Sangguniang Kabataan elections.

Ito aniya ay para mabantayan ng COMELEC kung ilan ang nagastos ng mga kumandidato sa kanilang pangangampanya at kung ilan ang nagbigay sa kanila ng kontribusyon.

Layunin nitong matiyak na walang lumalagpas sa gastusing itinakda para sa pangangampanya.

--Ads--

Ayon kay Atty. Thiam, kapag nakita sa SOCE ng mga kumandidato na lumagpas sila sa itinakda na dapat gastusin sa pangangampanya ay isa itong election offense at may administrative penalty na perpetual disqualification sa lahat ng public appointive or elective office.

Ang perpetual disqualification ay kaukulang parusa at ang isang tao na sangkot sa overspending ay habang buhay nang hindi na mamamasukan sa ano mang sangay ng pamahalaan appointive man o nahalal.

Nanawagan sila sa lahat ng mga nahain ng COC sa lunsod ng Cauayan na maghain na ng SOCE lalong-lalo na sa mga pinalad na manalo dahil kung hindi sila naghain ng kanilang SOCE ay hindi sila makakapag-assume at rule of succession ang mananaig.

Magtatagal lamang ito hanggang sa ikadalawampu’t siyam ng Nobyembre.