Ginanap sa Lungsod ng Cauayan ang training ng mga election servers ng iba’t-ibang munisipalidad sa lalawigan ng Isabela upang mapag-aralan ang tamang paggamit ng Automated Counting Machine (ACM).
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Johanna Vallejo, City Election Officer, sinabi niya na ilan sa mga election servers na kanilang tinuturuan ay mga DepEd teachers mula sa Reina Mercedes, Ilagan, Cauayan, Delfin Albano, at Sta. Maria.
Nauna nang nagsanay ang mga DESO technical support at electoral board tulad ng mga Chairperson at Poll clerk.
Aniya, hindi lamang ang paggamit ng ACM ang kanilang itinuturo dahil pinaghahandaan na rin aniya nila ang pag-troubleshoot sakaling magka problema sa makina.
Sa April 2025 naman ay muling magkakaroon ng training ang DESO tech at support staff upang malaman kung sila ay may kakayahan na mag handle ng posibleng problema.
Ayon pa kay Atty. Vallejo, itinuturo rin sa mga election servers kung anong gagawin sakaling absent ang kasamahan ng mga ito, anong gagawin kung hindi mabasa ng botante ang kanyang balota, anong gagawin kung magkaroon ng paper jam at iba pa.
Dagdag pa ni Atty. mayroong 837 na DepEd personnel ang magsisilbing election servers sa lungsod at ngayon ay hinihintay na lamang ang ibababang bilang ng PNP personnel.