Patuloy ang isinasagawang voter’s registration ng Commission on Elections (COMELEC) Isabela kaugnay ng nalalapit na Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) Election.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Manuel Castillo Jr., Election Supervisor ng COMELEC Isabela, sinabi niya na marami na ring bagong rehistradong botante ang naitala, lalo na sa pamamagitan ng mga satellite registration na isinasagawa sa iba’t ibang bayan ng lalawigan upang mas mapalapit ang serbisyo sa mga mamamayan.
Ayon sa kanya, bukas ang mga tanggapan ng COMELEC mula Martes hanggang Sabado, alas-8 ng umaga hanggang alas-5 ng hapon, upang bigyang pagkakataon ang mga botante na magparehistro.
Ipinaliwanag din niya na tuwing Lunes ay naka-work from home ang mga empleyado kaya walang front office transaction sa naturang araw.
Gayunman, dahil Mayo 18, araw ng Lunes, ang huling araw ng registration, tiniyak ng COMELEC na magbubukas pa rin sila upang ma-accommodate ang mga last-minute registrants at matiyak na walang maiiwan na kwalipikadong botante.
Dagdag pa ni Atty. Castillo, karamihan sa mga aplikante ngayon ay ang mga nagpapalipat ng lugar ng pagbobotohan, habang mas kaunti na ang dumadagsa kumpara noong mga unang linggo ng registration period.
Tiniyak din niya na tuloy ang paghahanda ng COMELEC para sa BSKE hangga’t wala pang opisyal na abiso na ipagpapaliban ang halalan.
Hinikayat naman niya ang mga kabataan na samantalahin ang pagkakataon upang magparehistro at makaboto sa nalalapit na halalan para sa kanilang mga magiging lider sa komunidad.











