Pinagsosorry ni Senator Risa Hontiveros si Quezon City Representative Bong Suntay sa kanyang mga pahayag tungkol sa aktres na si Anne Curtis, na naganap habang isinasagawa ang isang pagdinig sa Kamara.
Iginiit ni Hontiveros, Chair ng Committee on Women, na walang dahilan para ipagtanggol ang nakakagalit na komentaryo ni Suntay at dapat siyang humingi ng paumanhin.
Ayon sa kanya, nakababahala na patuloy pang jina-justify ng kongresista ang kanyang sinabi at sinasabi nitong walang mali dito.
Pinaalalahanan ni Hontiveros na umiiral ang batas na “Bawal Bastos Law” o Safe Spaces Act, na nagbabawal at nagpaparusa sa mga sexual comments. Bilang mambabatas, dapat alam ni Suntay ang batas na ito, at bilang kongresista, dapat rin niya itong isabuhay.
Dagdag pa ng senadora, ang insidenteng ito, na naganap sa gitna ng Buwan ng mga Kababaihan, ay isang paalala na patuloy nating ipaglaban ang dignidad at respeto para sa kababaihan.










