Ipinagpaliban ng Department of Agriculture (DA) ang pagsisimula ng procurement activities para sa farm-to-market road (FMR) projects na orihinal na target ngayong Abril at ililipat na lamang sa Mayo dahil sa mga pagsasaayos sa costing bunsod ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon kay DA Undersecretary for Agri-Industrial Marine Systems Arrey Perez, nahihirapan ang ahensya na tuluyang matukoy ang eksaktong gastos kada kilometro ng FMR dahil sa pabago-bagong presyo ng fuel. Dahil dito, nakikipag-ugnayan ang DA sa Department of Public Works and Highways upang magkaroon ng standard na presyo at maiwasan ang aberya sa implementasyon.
Inaasahang sa Mayo pa masisimulan ang procurement process para sa mga proyekto.
Una nang target ng DA na simulan ang konstruksyon noong Abril matapos nitong akuin mula sa DPWH ang implementasyon ng mga farm-to-market road projects kasunod ng mga isyu ng umano’y korapsyon sa flood control projects.
Sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act, may nakalaang 33 bilyong piso ang DA para sa pagtatayo ng humigit-kumulang 2,300 kilometro ng farm-to-market roads sa iba’t ibang panig ng bansa.
Ayon sa tagapagsalita ng DA, Assistant Secretary Arnel de Mesa, kinakailangan ang pag-aadjust sa costing upang matiyak na magiging matagumpay ang bidding at maiwasan ang pagpalya ng procurement process.
Nilinaw naman ng DA na hindi ito itinuturing na delay sa implementasyon dahil may dalawang taong bisa ang pondo at karaniwan umanong nagsisimula ang mga infrastructure project sa ikalawa o ikatlong quarter ng taon.











