CAUAYAN CITY – Nagsagawa ang Department of Agriculture (DA) Region 2 ng anthrax massive vaccination sa mga alagang hayop sa mga apektadong lugar lalo na sa Cagayan.
May malawakang information dissemination kung paano maiiwasan ang Anthrax at kung ano ang mga dapat na hakbang sa pag-iingat kung sakaling magkaroon ng outbreak.
Inihayag ng Provincial Veterinary Office na lubhang mapanganib ang pagkakaroon ng kaso ng anthrax sa mga hayop maging sa tao.
Ito ay matapos ang pagkakatala ng apat na kalabaw na namatay sa Calassitan, Sto. Niño, Cagayan dahil sa nasabing sakit.
Ang apat na kalabaw ay nakitaan ng mga sintomas ng anthrax tulad ng biglaang pagkamatay, kawalan ng ganang kumain, pagiging matamlay o hirap gumalaw at hematuria.
Ayon sa pagsusuri, kumpirmadong infected ng anthrax ang apat na kalabaw at dalawa sa mga ito ang nakatay at naibenta pa ng mga may-ari.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Veterinary Officer Belina Barboza, sinabi niya na ang anthrax ay mapanganib na sakit na sanhi ng isang uri ng bacteria na nabubuo mula sa isang “spore” na tinatawag na Bacillus anthracis.
Apektado sa sakit na ito ang mga ruminants tulad ng kalabaw, baka, kambing, tupa at iba pa.
Kabilang din sa mga apektado ang mga kabayo, baboy, aso, pusa at iba pang wild herbivores.
Samantala, sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Melanio Lazaro, General Medicine Doctor, sinabi niya na maaaring mailipat ang impeksyon na dulot ng anthrax sa tao sa pamamagitan ng indigestion at inhalation.
Aniya, maituturing na rare diesease ang Anthrax dahil sa loob ng isang taon ay nasa dalawang libo lamang ang naitatalang kaso.
May apat na klase ng Anthrax na kinabibilangan ng Skin Anthrax, respiratory, intestinal at injection.
Ang mga sintomas ng human infection ay paltos o bukol na nangangati, skin sore sa mukha, leeg, braso at mga kamay, lagnat, chills, pagkahilo, sakit ng ulo, pananakit ng katawan, sore throat, pamamaga ng leeg o glands, pananakit ng tiyan, diarrhea at iba pa.
Lubhang nakakatakot ang sakit na ito dahil mahirap malaman ang sintomas lalo na at ang incubation nito ay nasa dalawang araw hanggang dalawang buwan.
Maiiwasan naman ang anthrax sa pamamagitan ng vaccination at agarang pag-dispose sa mga katawan ng namatay na hayop sa pamamagitan ng pagsunog o paglibing sa malalim na hukay.
Maaari namang malunasan ang sakit sa pamamagitan ng agarang medical intervention at paggamit ng antibiotics.
Dahil dito ay binalaan ni Dr. Lazaro ang lahat na mag-ingat at maging responsable sa pag-aalaga ng mga hayop at ireport agad sa kinauukulan kung may mga naobserbahan sa mga sintomas na nabanggit.










