Inihayag ng Department of Agriculture o DA Region 2 na walang panganib ng pagkasira sa mga tanim na sibuyas sa rehiyon.
Ito ay kaugnay sa mga kumakalat na impormasyon tungkol sa pesteng harabas na sumisira sa mga pananim na sibuyas sa kalapit na rehiyon gaya ng Region 1 at Region 3.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Agribusiness and Marketing Assistance Division Chief Rosario Paccarangan ng DA Region 2 sinabi niya na batay sa kanilang monitoring sa Nueva Vizcaya ay wala namang naitalang pagkasira sa mga pananim na sibuyas at nagsisimula na rin ang pag-aani ng mga magsasaka.
Inaasahan naman ang peak ng harvesting season ngayong huling linggo ng Marso hanggang ikalawang linggo ng Abril.
Sa ngayon ang farm gate price o pick up price ng pulang sibuyas sa Nueva Vizcaya ay nasa 40-49 pesos per kilo.
97% ng produksyon ng sibuyas sa Region 2 ay nanggagaling sa lalawigan ng Nueva Vizcaya katumbas ito ng 1,367 na ektarya ng taniman.
Major producers naman ng sibuyas sa nasabing lalawigan ang mga bayan ng Aritao, Bambang at Alfonso Castañeda bagamat may mga bayan na may mga kaunting produksyon sa nasabing high value crop.
Ang bayan ng Aritao ay may dalawang cold storage facility na kayang mag-accommodate ng 10,000 bags o 250 metric tons.
Mayroon din nakatakdang buksan sa bayan ng Dupax Del Sur na may kapasidad na 20,000 bags ng sibuyas.
Dahil dito tiniyak niya na walang magiging problema sa pag-aani ng sibuyas sa rehiyon.