--Ads--

CAUAYAN CITY – Sarado pa rin at hindi madaanan ng ano mang uri ng sasakyan ang kalsadang nasasakupan ng Nagtipunan, Quirino na patungo sa Aurora Province.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan inihayag ni PLt. James Pascual, Deputy Chief of of Police ng Nagtipunan Police Station na nanatiling sarado at hindi pa rin maaring madaanan ng ano mang uri ng sasakyan patungong Aurora to Quirino o vice versa ang daang nasasakupan ng Barangay Disimungal, Nagtipunan.

Sinarado ito ng DPWH at nilagyan muna ng lupa upang matiyak na walang makadaan dahil delikadong madaanan ang kalsada.

Kung ilalarawan ang kalsada ay nasa mabundok na bahagi at dahil deretso ang mga pag-ulan sa lugar sa mga nagdaang araw ay nagkaroon ng pagguho ng lupa sanhi para masira ang daan.

--Ads--

Mayroon namang re-route para sa mga sasakyan na nagnanais makatuloy sa magkabilang destinasyon ngunit napakalayo at aabutin pa ng lima hanggang siyam na oras ang biyahe.

Ang ginagawa na lamang ng mga sasakyan ay humihinto sa magkabilaang dulo ng sirang kalsada at naglalakad na lamang ang mga pasahero upang sumakay sa sasakyan na naghihintay sa kabilang dulo.

Mayroon ng mga kawani ng DPWH na nagtatrabaho sa lugar at gumagamit na ng backhoe upang matiyak na madaanan ng mga sasakyan.

Patuloy naman ang pagbabantay ng mga pulis at mga opisyal ng barangay upang matiyak ang kaligtasan ng mga pasahero.

Pinayuhan ng pulisya ang publiko na kung hindi mahalaga ang pakay sa pagbiyahe ay ipagpaliban pansamantala dahil inaasahan naman na sa susunod na linggo ay maari ng madaanan ang naturang lansangan.