
CAUAYAN CITY – Planong magsampa ng kaso ng dalawang lalaki na pinagkamalang nasa likod ng pamamaslang sa lalawigan ng Quirino.
Sa mga nagdaang araw ay naging usap-usapan sa social media ang larawan ng dalawang lalaki matapos na mapagkamalang killer dahil sa pagpasok sa isang paaralan sa Maddela, Quirino.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kina MAKOY at CARDO, sinabi nila na nagulat sila nang makita ang kanilang larawan na nakapost sa social media.
Nagdulot ito ng takot sa kanila dahil wala naman silang ginagawa na masama.
Maging ang kanilang pamilya ay natakot din at pinapatigil na sila sa kanilang trabaho na collector ng isang lending.
Ayon sa kanila, bilang collector ay nagpupunta sila sa iba’t ibang lugar.
Pagbabahagi nila na pumunta sila sa isang paaralan sa Maddela kung saan nakunan sila ng litrato sa CCTV dahil nandoon ang kanilang sisingilin.
Una nila itong pinuntahan sa kanyang bahay pero dahil wala ay pinuntahan na nila sa trabaho nito sa canteen ng naturang paaralan.
Dagdag nila na dati na rin silang nagpupunta sa naturang paaralan kapag hindi naaabutan ang kanilang kliyente at sa pagkakataong iyon ay wala ang guwardiya ng paaralan nang pumasok sila.
Hindi umano nila akalain na ganoon ang mangyayari.
Giit nila na dapat naging mahigpit din ang naturang paaralan sa pagbibigay ng seguridad lalo na at nakared alert ang mga paaralan sa Maddela dahil sa mga nangyayaring pagpatay sa kanilang lugar at nang hindi sila napagbintangan.
Ayon sa kanila, nagtatrabaho lang sila ng marangal pero napagbibintangan pa sila sa isang krimen na hindi naman nila ginawa.
Kusa naman silang pumunta sa pulisya para linisin ang kanilang pangalan.
Sa ngayon ay pinag-uusapan na nila kung paano ang gagawin nila para sa pagsasampa ng kaso sa mga faculty ng naturang paaralan dahil doon galing ang CCTV footage.
Sasangguni rin sila sa abogado para maturuan sila sa kanilang gagawin.
Panawagan nila sa nag-upload sa social media ng kanilang larawan na sana bago gawin ang isang bagay ay pag-isipan muna ito ng mabuti lalo na kung wala namang ebidensya.
Dapat ay ipinaalam din sa pulisya para naimbestigahan at nang hindi nalagay sa alanganin ang kanilang buhay.
Panawagan din nila sa publiko na huwag silang katakutan dahil hindi totoo ang kumakalat na balita tungkol sa kanila.










