--Ads--

CAUAYAN CITY – Hihigpitan ng District 1, Cauayan City ang pagbabantay sa kanilang nasasakupan matapos ang insidente ng pandurukot sa isang residente.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Chief Tanod Francisco Evangelista ng barangay District 1 na paiigtingin nila ang seguridad sa kanilang barangay upang hindi na maulit ang ganitong pangyayari.

Pasado 12:30 ng tanghali nang dukutin sa Villarta Street si Marco Salgado, 28-anyos, nangangalakal ng bote at bakal at residente ng barangay District 1 ng umanoy tatlong armadong kalalakihan.

Wala umanong CCTV sa pinangyarihan ng insidente dahil inaayos pa ito.

--Ads--

Sa katunayan ay anim lang sa labing anim na CCTV camera ng barangay ang gumagana dahil hindi pa dumating ang mag-aayos.

Depensa naman ni Evangelista na kadadaan lang ng barangay patrol nang mangyari ang insidente.

Mahirap aniyang i-monitor ang mga sasakyang naglalabas masok sa barangay dahil daanan ito ng mga pupunta sa centro ng lunsod.

Hindi naman nagpapabaya ang kanilang hanay dahil 24/7 silang nagbabantay sa kanilang nasasakupan.

Wala rin silang natanggap na mga naunang ulat na may nauna nang naganap na pagdukot sa kanilang barangay.

Patuloy pa rin ang imbestigasyon sa nasabing pandurukot.