CAUAYAN CITY – Inilunsad ng Department of Health (DOH) Region 2 ang kanilang booster campaign na may temang “Sa Booster Pinas Lakas”.
Layunin ng programa na makamit ang 90% vaccination rate ng primary series para sa A2 at senior citizen habang 50% para sa 1st booster shot hanggang October 8.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Vaccination Operations Center (RVOC) Manager Jermaine Farrah Cepeda, sinabi niya na mula buwan ng June ay nasa 57,697 na indibiduwal ang nakatanggap na ng kanilang 1st booster habang nahigitan na nila ang target population para sa primary series sa senior citizens.
Sa ngayon ay nasa 16,620 ang daily target rate ng bawat bayan sa rehiyon subalit dahil hindi ito naabot ng mga local government unit (LGU) ay nagtala sila ng mga social mobilizers na nangunguna para sa pagpapalaganap ng adbokasiya ng kagawaran na pagpapaturok ng booster shot.
Tinatayang nasa 53 HRH ang kanilang itinalaga sa ibat ibang LGU na may mataas na vaccine hesitancy, may ilang NGO rin ang nagbigay ng karagdagang manpower para sa vaccinator, encoders at social mobilizers.
Sa ngayon ay may 1,088 vaccinations sites ang DOH region 2 kabilang ang nasa terminal, palengke at paaralan.










