--Ads--

Nagbabala ang Department of Public Order and Safety (DPOS) ng Santiago City na maaari silang magsampa ng kaukulang kaso laban sa mga indibidwal na nagpapakalat ng umano’y mapanira at walang basehang alegasyon laban sa kanilang mga tauhan sa social media.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Modesto Cabanos III ng DPOS Santiago City, sinabi nito na dumarami ang mga negatibong komento at akusasyong ibinabato sa kanilang tanggapan, kabilang ang mga paratang ng kayabangan, pang-aabuso sa kapangyarihan, at hindi makataong pagtrato sa mga motorista.

Ayon kay Cabanos, bukas ang kanilang opisina sa mga lehitimong reklamo at puna mula sa publiko bilang bahagi ng kanilang pananagutan sa mamamayan.

Gayunman, hindi nila aniya palalampasin ang mga pahayag na may layuning sirain ang reputasyon at integridad ng kanilang mga personnel nang walang sapat na ebidensya.

--Ads--

Sinabi pa niya na malaking bahagi ng mga negatibong komento sa social media ay nagmumula umano sa mga indibidwal na nahuhuli sa paglabag sa mga umiiral na batas-trapiko at hindi matanggap ang ipinatutupad na aksyon ng kanilang mga traffic enforcer.

Binigyang-diin ni Cabanos na ang pagpapatupad ng mga regulasyon sa lansangan ay nakabatay sa umiiral na batas at ordinansa, at hindi sa personal na pagpapasya ng kanilang mga tauhan.

Pinasinungalingan din niya ang mga alegasyong mayayabang at abusado ang kanilang mga enforcer, at iginiit na ang mga ito ay dumaan sa mga kinakailangang pagsasanay at may sapat na kaalaman sa wastong pakikitungo sa publiko at pagpapatupad ng batas.

Dagdag pa niya, nakasuot ng body cameras ang kanilang mga enforcer bilang bahagi ng transparency at accountability measures ng kanilang tanggapan upang matiyak na maayos, propesyonal, at naaayon sa umiiral na protocol ang bawat interaksyon sa mga motorista.

Hinikayat ng opisyal ang publiko na dumaan sa tamang proseso sa paghahain ng reklamo at iwasan ang pagpapakalat ng mga hindi beripikadong impormasyon na maaaring magdulot ng maling pagtingin sa kanilang hanay.