--Ads--

CAGAYAN – Malaking tulong ang isinagawa ng pamahalaang Panlalawigan ng Cagayan at Isabela na dredging sa Cagayan River upang maibsan ang mga pagbaha sa naturang lalawigan.

Sa  naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PDRRM Officer Rueli Rapsing ng Cagayan na ang kanilang lalawigan ang sumasalo sa mga tubig na nanggagaling sa upstream at ang pinapakawalang tubig ng Magat Dam maging ang tubig na galing sa lalawigan ng Kalinga.

Kahapon ay nasa critical pa rin ang antas ng tubig sa Cagayan River ngunit nagsisimula nang bumaba ang antas nito.

Makalipas ng tatlong araw ay tiyak na babalik na sa tatlong metro ang antas ng tubig sa Cagayan River.

--Ads--

Nakatulong anya ng malaki ang dredging activities sa ilog upang maibsan ang naranasang pagbaha sa mga lugar sa Cagayan pangunahin na sa Lunsod ng Tuguegarao.

Kapansin pansin na kahit umabot sa 11 meters ang tubig sa Cagayan River ay hindi pa nahahagip ng tubig baha ang Maharlika Highway sa Pared, Alcala, Cagayan hindi tulad noong wala pa ang dregding na 10.4 meters pa lang ang water elevation sa Cagayan River ay hindi na madaanan ng mga sasakyan ang naturang highway.

Maging ang mga barangay ng Linao, Annafunan at Atulayan sa lunsod ng Tuguegarao ay walang tubig na pumasok sa 10 meters na antas ng Cagayan River at saka lamang pinasok ng tubig baha nang nasa 12.1 meters ang antas ng tubig.